Tatanggalin umano ng Senado ang mga addendum ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sakaling hindi ito tugma sa lump-sum projects sa ilalim ng 2021 budget.
Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na mayroon na siyang hawak na lump sum items ng DPWH.
“Preventive maintenance, tertiary roads, secondary roads. Kung anu-ano yan. Pinapatingnan ko na ngayon ang addendum, may listahan na rin kami, may nagpadala sa amin. Tatama ba doon sa mga lump sum? Kasi kung hindi nakatama roon hindi addendum yan,” wika ni Lacson.
Kung ganito aniya ay ire-realign ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang P396-bilyong lump sum sa proposed budget ng DPWH.
“‘Di nila kami maloloko roon kasi pag sinabi mong ito ang item na naka-lump sum, tutugma ba ang listahan nila? Halimbawa kung ilang libong items yan, lahat ba yan tatama sa nakalista sa lump sum para sabihin nilang addendum o kaya hinimay nila ang lump sum, in-itemize?” anang senador.
“Tatanggalin namin kasi illegal yan. Hindi tama yan,” dagdag nito.
Una nang pinuna ni Lacson ang P469-bilyong halaga ng reappropriated at lump sum projects ng DPWH, na tinawag nitong labag sa Saligang Batas.