Kumpiyansa ang Malacañang na maipapasa ng Kongreso ang 2020 national budget at hindi mauulit sa paggamit ng re-enacted budget matapos maantala ang pagpasa ng 2019 budget.
Sa kabila ito ng pagbubulgar uli ni Sen. “Ping” Lacson sa umano’y “pork barrel insertions” sa ipinasang bersyon ng Kamara kung saan aabot umano ito sa P54 billion.
Inihayag ni Sen. Lacson na bulto rito ay ang tig-P1.5 billion additional allocation sa 22 deputy speakers.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, iba naman ang sitwasyon noong nakaraang taon kung saan nagsimulang nagkagulo sa “pork insertions” sa Kamara.
Ang maganda aniya ngayon ay naipasa na sa Kamara at bahala na ang mga senador na busisiin at linawin ang mga alegasyong isiningit na pork barrel.
Kasabay nito, tiniyak ni Sec. Panelo na hindi naman lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipapasang budget kung may iligal o labag sa Konstitusyong nakapaloob rito.