-- Advertisements --

Balik-sesyon na ngayong araw ng Lunes, Enero 22 ang Senado kung saan kabilang sa prayoridad na pagdedebatehan ang kontrobersyal na charter change.

Magugunitang noong nakaraang linggo, naghain si Senate President Juan Miguel Zubiri ng Resolution of Both Houses #6 para amyendahan ang ilang economic provisions ng saligang batas ng bansa.

Kabilang sa mga lumagda sina Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Senador Sonny Angara.

Malilimita lamang aniya sa edukasyon, public services at advertising ang babaguhin.

Giit ng liderato ng Senado, magkakaroon ng mga debate at talakayan dito ang mga Senador ngayong balik-sesyon na.

Samantala, ikinalungkot naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na ngayong balik-sesyon na ang Senado charter change agad ang tatalakayin.

Noong Disyembre aniya ay wala sa radar ng Senado aang usapin ng pag-amyenda sa saligang batas.

Giit ni Pimentel, ang dapat pina-prayoridad ngayon ay ang MUP pension fund at maritime zones law at hindi ang charter change.

Gayunpaman, kung si Pimentel ang tatanungin mas nais nitong buksan ang pagbabago sa political provisions sa halip na economic provisions.

Aminado naman ang mambabatas na mas maraming Senador ang susuporta sa pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 constitution.