Idineklara ngayon ni Senate President Vicente Sotto III na “ceasefire” muna sila sa pakikipagpalitan ng maaanghang na salita sa lalo na kay House Speaker Allan Peter Cayetano.
Ayon kay Sotto, ang kanilang hakbang ay matapos na tumawag sa kanya si Cayetano upang humingi nang paumanhin at magbigay din ng statement sa social media.
Nilinaw naman ni Sotto na tinatanggap nila ang pag-sorry ng lider ng Kamara matapos mapaulat ang umano’y paninisi ni Cayetano na ang Senado ang dapat na pagbuntunan ng kasalanan sakaling magkaroon ng reenacted budget sa taong 2021.
Sinabi pa ni Sotto, nangako raw si Cayetano na bibigyan ang Senado ng advance copy ng General Appropriations Bill na nakatakdang pagtibayin sa third and final reading ng Kamara sa November 16.
Para sa Senate president, mas maganda na raw ito para hindi rin mahirapan ang kanilang komite sa Senado para maihabol ang budget bago matapos ang taong kasalukuyan.
Una na ring naghamon si Sen. Panfilo Lacson sa mga congressman na magbalik trabaho para ihabol ang pagpasa sa 2021 budget bago ang November 1.