-- Advertisements --

Tinanggap ng Senado ang panukala ni Senador Sherwin Gatchalian na maglaan ng P3.058 bilyon para sa 82 State Universities and Colleges (SUCs) sa susunod na taon.

Ito’y upang mapunan ang kakulangan sa pondo ng pagpapatupad ng free higher education. 

Tinanggap ang naturang panukala ni Gatchalian sa inaprubahang bersyon ng General Appropriations Act (House Bill No. 10800) para sa taong 2025 sa Senado.

Binigyang diin ni Gatchalian na makatutulong ang karagdagang pondo upang palawakin ang kakayahan ng mga SUCs na tumanggap ng mas maraming mga estudyante. Sa ganitong paraan, mas maraming mga kabataan ang makikinabang sa libreng kolehiyo.

Dahil sa dagdag na P3.058 bilyon, tumaas ng 13% ang kabuuang pondo ng free higher education para sa taong 2025 kung ihahambing sa inilaan ng National Education Expenditure o NEP. 

Nagbabala din ang senador na kung kukulangin ang pondo ng free higher education, maaapektuhan at bababa ang kalidad ng edukasyon. 

Mapipilitan kasi ang mga SUCs na pagkasyahin ang mga limitadong resources sa dumaraming bilang ng mga mag-aaral, bagay na maaaring magdulot ng mga nagsisiksikang classrooms, dagdag na trabaho sa mga guro, at overuse ng mga pasilidad kagaya ng mga laboratoryo at aklatan. 

Umaasa rin si Gatchalian ng iba pang output mula sa isang technical working group na magreresolba sa mga isyung may kinalaman sa kakulangan ng pondo ng free higher education.