Handang dumepensa ang Senado kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya–pero sa loob lamang ng legal na proseso at tamang remedyo, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
Si dela Rosa, na inaakusahan kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, ay una nang nagsabing hihingi ng proteksyon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero upang maiwasan ang posibleng paglipat sa kanya sa mga awtoridad kung sakaling maglabas ng warrant ang ICC.
Nang tanungin kung kaya bang protektahan ng Senado si dela Rosa kahit nasa recess ang Kongreso, sinabi ni Cayetano na ito ay isang “touchy subject.”
Iginiit ni Cayetano na kailangang magkaroon ng legal na gabay mula sa Korte Suprema kung sakaling umabot sa ganitong sitwasyon.
Nilinaw rin niya na ang konsepto ng sanctuary ay para lamang tiyakin ang legal na karapatan ng senador at ang integridad ng Senado, at hindi para magsilbing isang hiwalay na entidad na hindi maaring pakialaman ng batas.
Una nang sinabi ni Escudero na hindi siya papayag na pasukin ng mga otoridad ang Senado upang arestuhin si dela Rosa.
Ito ay kung hihingi ng proteksyon at mananatili sa Senado si dela Rosa sakaling mag-isyu ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa kanya.
Base aniya sa rules at practice, hindi pinahihintulutan ng Senado na maaresto ang sinumang miyembro nito sa loob ng institusyon may sesyon man o wala ang Kongreso.
Ito aniya ay hindi base sa batas kundi sa tinatawag na “institutional courtesy” kung saan naging tradisyon na ng Senado at bahagi rin ito ng kanilang rules na matagal na ring sinusunod.