-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na paigtingin ang kanilang pagmo-monitor laban sa mga mananamantala sa mga konsyumer sa pagpapataw ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa gitna ng sunod-sunod na pagtataas ng halaga nito.

“Dapat siguraduhin ng DOE na hindi inaabuso ng mga kumpanya ng langis at retailers ang kasalukuyang sitwasyon. Huwag nating hayaang may magsamantala na lalong magpapahirap sa ating mga kababayan,” sabi ng re-electionist na senador.

Nanawagan ang Senate Energy Committee Chairperson dahil inaasahang tataas ang presyo ng diesel ngayong linggo na aabot sa P11.80 hanggang P12 kada litro, habang ang gasolina ay tataas ng P6.90 hanggang P7.20 kada litro at P9.70 hanggang P9.80 kada litro naman sa kerosene.

Dahil ipinapatupad sa mga oil refiners ang pagkakaroon ng reserbang maaaring tumagal ng 30 araw, sinabi ni Gatchalian na ang mga lumang imbentaryo na ito ang dapat ibenta sa publiko sa lumang presyo upang mabawasan ang epekto ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis sa pagkuha ng bagong stock o suplay.

“Iminumungkahi kong dagdagan ang 30 araw na minimum na imbentaryo ng langis at gawin itong 45 araw o ang karagdagang 15 na araw ang reserba. Dapat i-subsidize ng gobyerno ang carrying cost dahil kapag bumili ang mga kumpanya ng pang karagdagang 15 na araw ay kailangan nilang magbayad para sa interes. At doon pumapasok ang gobyerno para pangalagaan ang energy security ng bansa,” paliwanag niya.

Ipinanawagan din ni Gatchalian sa DOE ang pagpapatupad ng kanilang mandato laban sa mga nagsasagawa ng profiteering activities sa pamamagitan ng pagsasagawa ng imbestigasyon at pag-usig sa mga abusadong retailer gayundin ang pagbawi ng mga lisensya ng mga ito kung kinakailangan.

Kanya ring inirekomenda sa DOE ang paglalagay ng mga active hotlines para sa agarang pagre-report ng mga konsyumer sa mga tiwaling retailers o mga nagpapataw ng hindi makatwirang pagtaas ng presyo at i-deploy ang mga nasa field offices para alamin ang katotohanan sa mga impormasyong kanilang nakalap.

“Kung aktibo ang ating pamahalaan sa pagbabantay laban sa mga mapanlinlang at mapang-abusong negosyante, maiiwasan ang pagsasamantala sa publiko sa panahon ng krisis,” sabi ni Gatchalian.