-- Advertisements --

Hindi na kailangang magpatawag ng special session ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. o ng atas mula sa Korte Suprema upang masimulan ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ipinunto nina House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre na tahasang isinasaad sa Konstitusyon ang direktiba na aksyunan kaagad ang impeachment case na ipinadala ng Kamara.

Ayon kay Acidre maaaring mag-convene ang Senado nang walang special session kapag aaprubahan ang deklarasyon ng martial law, batay sa nakasaad sa Konstitusyon. 

Patunay din aniya ito na mayroong mandato ang Kongreso na hindi sakop ng legislative calendar at maaaring kagyat na aktuhan ang mga non-legislative matters tulad ng impeachment.

Sinegundahan ito ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil D. Bongalon at ipinunto na malinaw ang lengguwahe ng 1987 Constitution na kailangan simulan nang walang pagkaantala ang impeachment trial.

Giit ni Bongalon na ang probisyon ng Konstitusyon ay hindi bukas sa interpretasyon o pagkaantala.

Nilinaw niya na ang Senado ay maaaring mag-convene bilang impeachment court kahit naka-recess ang Kongreso kung magkasyndo ang mga miyembro nito.

Malamig din si Bongalon sa ideya na maghintay pa ng tatlo hanggang apat na buwan bago umpisahan ang paglilitis.

Nagdulot ng debate ang impeachment ni Vice President Duterte sa papel ng Senado at ang pangangailangan ng special session.