Hinimok ni Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education Senator Francis Escudero ang kapwa nito Senador na ipasa ang panukalang batas na naglalayong imandato ang higher education institutions para i-waive ang entrance exam fees sa kolehiyo para s amga kwalipikadong estudyante.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sen. Escudero na hindi tinatanggalan ng karapatan ng Senate Bill No. 2441, o ang Free College Entrance Examinations Act, ang mga pribadong higher education institutions mula sa pagkolekta ng fees dahil layunin lamang umano nito na gawing libre ang college entrance exam para sa piling exam takers.
Mababawi naman aniya ang nawalang income sa pamamagitan ng payments ng ibang kumuha ng entrance exam.
Sa ilalim kasi ng Section 5 ng panukalang batas, nakasaad na dapat i-waive ng HEIs ang entrance exam fees para sa mga graduating high school students na may sumusunod na kwalipikasyon.
Dapat natural-born Filipino citizen, dapat din kabilang sa top 10 mula sa graduating class, ang income ng pamilya ay pasok sa below poverty threshold o ang estudyante ay kabilang sa pamilya na ang income ay hindi kayang tuluy-tuloy na masustentuhan ang kanilang pangunahing pangangailangan sa pagkain, kalusugan, edukasyon, bahay at iba pang kailangan sa buhay ay kwalipikado para sa libreng entrance exam.