-- Advertisements --
image 121

Hinimok ni Bicol Saro Pary-list Representative Brin Raymund Yamsuan ang Senado na paspasan ang pag-apruba sa counterpart ng panukala nitong Philippine Salt industry Development Act na inaasahang makakalikha ng nasa 100,000 trabaho para sa mga Pilipino.

Ginawa ng mambabatas ang naturang panawagan matapos na makakuha ng overwhelming approval ang panukala sa Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Si Rep. Yamsuan ang principal author ng naturang panukala na naglalayong makalikha ng isang komprehensibong plano para sa industriya ng asin para mapataas ang domestic production at mapataas ang pamumuhunan sa nasabing sektor.

Base sa pahayag mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi ni Yamsuan na ang pagbalangkas at pagpapatupad ng roadmap para sa development ng industriya ng asin ay lilikha ng 20,000 direct jobs at karagdagang 80,000 indirect o related jobs sa sektor ng agrikultura.

Nakatakdang magsagawa ng isang bicameral conference committee meeting para mapagtibay ang mga probisyon ng dalawang panukala mula sa Senado at Kamara.

Ang Philippine Salt Industry Development Act ay isinama ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa listahan ng priority measures ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.