Inaprubahan ng Senado ang panukala ni Senador Sherwin Gatchalian na maglaan ng P70 milyon sa 2025 budget ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para paigtingin ang digital transformation ng ahensya, kabilang ang paggamit ng artificial intelligence o AI.
Isinulong ni Gatchalian ang naturang pondo para sa tatlong proyekto: P40 milyon para sa Artificial Intelligence (AI)-powered Technical Vocational Education and Training (TVET) course builder, P20 milyon para sa Internet of Things (IoT) training system, at P10 milyon para sa pagbuo ng AI-powered Labor Market Information (LMI) System.
Inaasahang makakatulong ang mga proyektong ito upang itaas ang kalidad ng mga programang Technical Vocational Education and Training at ang kahandaan ng mga graduates na makapagtrabaho.
Layunin ng AI-powered TVET course builder na pabilisin ang paglikha ng mga kurso sa pamamagitan ng automation.
Layon naman ng Internet of Things training system na paigtingin ang kakayahan ng mga mag-aaral na mag-operate, mag-program, at mag-maintain ng mga IoT devices at networks, bagay na makatutulong sa kanilang magkaroon ng trabaho sa mga larangang tulad ng automation, healthcare, agrikultura, at iba pa.
Samantala, layon ng AI-powered LMI na gamitin ang AI sa pagtukoy ng mga pangangailangan ng industriya, pagtugon sa kakulangan sa bilang ng mga trabahador, at paggabay sa mga paaralan sa pag-uugnay sa kanilang mga programa sa mga pangangailangan ng merkado.