Ipagpapaliban ng Senado ang nakatakda sana nitong pagdinig tungkol sa nangyaring shootout sa Quezon City sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ito raw ay upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa isyu.
Sa Marso 2 sana gagawin ang naturang pagdinig ng Senate dangerous drugs committee, na hawak ni dela Rosa.
Una nang sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na hihilingin ng Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang kapulungan ng Kongreso na ipagpaliban muna ang sarili nitong imbestigasyon hinggil sa shootout.
Bago ang anunsyo ni dela Rosa, inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang gagawin sanang pagdinig ng komite ay hindi nakapokus sa shootout kundi sa kanyang panukalang Senate Bill No. 3, na naglalayong magtatag ng Presidential Drug Enforcement Authority.
Maliban sa Senado, inanunsyo na rin ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na sususpindihin din muna ng Kamara ang pagdinig nito sa shootout bilang paggalang sa nagpapatuloy na imbestigasyon.