Naniniwala si dating Senador Leila de Lima na maaari pa ring magsilbi bilang impeachment court ang Senado kahit na naka-adjourn ito o kahit wala nang regular session.
Ayon sa dating senador, ang pagdinig sa impeachment complaint ay hindi isang ordinaryong function ng Kongreso, bagkus, ito ay isang non-legislative function at special function.
Dahil dito, hindi aniya ‘applicable’ ang mga nakasanayan nang proseso o patakaran na kapag nakapag-adjourn na ay wala nang session.
Naniniwala rin ang dating senador na hindi maaaring upuan ng Senado ang impeachment complaint ngayon at naipasakamay na ito ng Kamara.
Ayon kay de Lima, obligasyon ng Senado na dinggin ang verified impeachment complaint, batay na rin sa itinatakda ng batas.
Nagawa na aniya ng Mababang Kapulungan ang papel nito at nasa Senado na ang bola upang tuloy-tuloy na gumulong ang impeachment process laban kay VP Sara Duterte.
Umabot sa 239 miyembro ng Kamara de Representantes ang sumuporta para matanggal sa posisyon si VP Sara kasunod ng session kahapon, Pebrero 5 sa plenaryo ng Kamara.
Una nang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na hindi magsasagawa ng impeachment trial ang Senado hanggang hindi ito magre-reconvene sa Hunyo 2, 2025, dahil una nang nag-adjourn ang Senado kahapon nang hindi tinatalakay ang complaint.