-- Advertisements --

Magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Basic Education sa pangunguna ni Senador Sherwin Gatchalian ukol sa mga kaso ng bullying sa mga paaralan kung saan partikular na sisilipin dito ang polisiya na ipinatutupad upang maiwasan at labanan ang ganitong insidente sa mga estudyante. 

Ayon kay Gatchalian, talamak ngayon ang bullying sa mga paaralan sa bansa kaya mahalaga aniyang matukoy kung anong mga hakbang na ginagawa ng gobyerno sa mga paaralan. 

Tinukoy ni Gatchalian ang isang insidente ng pambu-bully sa isang babaeng estudyante sa Bagong Silangan High School sa Quezon City kung saan makikita sa video na pinalilibutan ng kanyang mga kaklase babae at pinagtulungan na sabunutan hanggang sa mapaupo na lamang ang estudyante sa sahig sa loob ng kanilang klasrum. 

Nababahala ang senador dahil sa kabila ng anti-bullying law ay mas dumami ang kaso ng bullying sa mga paaralan at mas lumalala ang mga kaso dahil bukod sa pananakit, kinukuhaan pa ito ng video at ina-upload pa para tuluyang pahiyain ang biktima.

Naniniwala rin ang senador na mayroong kakulangan ang paaralan dahil may polisiya ngayon na ang dapat na nilalapitan ng mga estudyante ay mga guidance teacher bilang tagapatnubay.

Kaya naman sa ikakasang pagdinig mamayang hapon ay sisilipin din ang kasapatan ng mga guidance teacher at consellor sa mga paaralan upang matiyak na nagagabayan nang mabuti ang mga estudyante at maiwasan na rin ang pambu-bully.