-- Advertisements --

Binigyang-diin ni University of the Philippines College of Law professor Theodore Te na mayroong track record ang Senado na pag-protekta sa mga miyembro nito, maliban lang kay dating Sen. Leila De Lima.

Ito ay bilang kasagutan sa kung maaari bang humingi si Sen. Ronald Dela Rosa ng proteksyon sa Senado mula sa pag-aresto ng International Criminal Court, kung sakaling mayroong warrant of arrest na ilalabas sa kaniya.

Sa isang forum na inorganisa ng University of the Philippines College of Law, tinukoy ng dating Supreme Court spokesperson ang track record ng Senado na nagbibigay proteksyon sa mga miyembro nito, maliban lang kay dating Sen. De Lima na na-detine sa loob ng Philippine National Police custodial center sa loob ng anim na taon.

Inihalimbawa rin ng abogado ang probisyon ng Saligang Batas na nagbibigay proteksyon sa mga Senador mula sa pagkaka-aresto habang nasa sesyon, kung nahaharap ang mga ito sa kasong ang punishment ay hindi lalagpas sa 6 years.

Gayunpaman, binigyang-diin ng batikang abogado na may ilang mga sensitibong isyu na kailangang tugunan dito.

Una ay kung hindi naka-sesyon ang Senado tulad ng kasalukuyang sitwasyon.

Pangalawa ay ang warrant of arrest na ilalabas ng International Criminal Court. Sa naturang warrant kasi aniya, hindi pa tinutukoy ang penalty (predetermined penalty) at inilalabas na lamang pagkatapos ng isasagawang pagdinig.

Sa kabila nito, lumalabas aniya na nagagawa ng Senadong protektahan ang mga miyembro nito na may mga warrant, batay na rin sa track record ng mataas na kapulungan.

Kasunod ng unang pagkaka-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte ngayong linggo, sinabi ni Sen. Ronald Dela Rosa na kung lalabas man ang kaniyang warrant of arrest at ipapahuli siya ng gobiyerno ng Pilipinas, hihingin niya ang proteksyon ng Senado bilang isang institusyon.

Gayunpaman, kung sabihin aniya ng Senado na hindi na kaya, mapayapa umano niyang isusuko ang kaniyang sarili.