Inisyuhan ng Senado ng subpoena si Bureau of Corrections (BuCor) director-general Nicanor Faeldon upang obligahin itong dumalo sa gaganaping pagdinig ukol sa kuwestiyonableng pagpapatupad ng good conduct time allowance (GCTA) law.
Nakatanggap daw kasi ng liham ang Senate blue ribbon committee kay Faeldon na nagsasabing hindi raw ito dadalo sa hearing na itinakda sa Lunes, Setyembre 2.
Sa nasabing liham, kakatawan na lamang umano kay Faeldon ang legal office chief ng BuCor na si Frederic Antonio Santos.
Paliwanag umano ni Faeldon, may dadaluhan daw kasi itong training na sponsored ng Canadian embassy.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, nagalit daw ito nang mabasa ang sulat ni Faeldon kaya agad nitong inatasan ang kanyang komite na maghanda ng rekomendasyon upang humingi ng subpoena.
Tinawagan din daw ni Gordon si Senate President Vicente Sotto III upang hingin ang kanyang pahintulot na pirmahan ang subpoena na ihahain kay Faeldon.
Matapos pirmahan ni Sotto, sinabi ni Gordon na ang tanggapan ng Senate sergeant-at-arms ang magsisilbi ng naturang subpoena.
Binigyang-diin sa subpoena na kailangang sumipot ni Faeldon sa pagdinig kung ayaw nitong magkaroon ng mas mabigat na responsibilidad sa Senado.
Nais na pagpaliwanagin ng ilang mga mambabatas si Faeldon kung paano napalaya ang halos 2,000 mga preso sa ilalim ng GCTA law.
Hihingin din ang panig ni Faeldon kung bakit napasama rito si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta noong 1993.