-- Advertisements --
senior citizen 2

Kinatigan ng mataas na kapulungan ng kongreso ang pagpasa na mag-aayemda sa Centenarian Act of 2016 sa pamamagitan ng pamamahagi ng P100,000 cash gift nang mas maaga sa mga senior citizen na may edad 80, 90 at 100.

Una rito, sa botong 20-0-0, agad inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukalang batas.

Ayon kay Senador Ramon Bong Revilla Jr., ang principal author at tumayong co-sponsor ng Senate Bill No. 2028 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10868 o ang ‘Centenarian Act of 2016’ hindi aniya nasayang ang pagsisikap niya dito makaraang pumasa sa Senado ang panukalang batas na kanyang isinumite sa 19th congress.

Ito ay patunay aniya ng pagpapahalaga, pagmamahal, at pagkalinga sa mga senior citizen.

Sa ilalim ng Senate Bill 2028 o ang panukalang ‘Expanding the Coverage of the Centenarians Act,’ ang mga senior citizens ay pagkakalooban ng P10,000 sa pagsapit sa edad na 80 anyos, P20,000 naman sa edad na 90 anyos, at P100,000 pagsapit sa edad na 100.

Nakapaloob din sa naturang bill na hindi na kailangang maghintay pa na umabot sa edad na 100 para makuha ang naturang benepisyo mula sa gobyerno.

Ayon pa sa Senador, kapag tuluyang naisabatas ang panukala, hindi na lamang aniya ang mga senior citizen na aabot sa 100 years ang makatatanggap ng cash gift. Maging ang mga 80 at 90 years old ay mapagkakalooban na rin.

Pinasalamatan naman ni Revilla sina Senators Imee Marcos, Senate President Juan Miguel Zubiri, sa pagsuporta sa panukalang batas na ito.

Nakapag-pasa na ang Kamara ng counterpart bill at bubuuin na ang bicameral conference committee para pag-isahin ang kani-kanilang bersyon.