Dapat umanong maglabas ng writ of summons ang Senado upang obligahin ang na-impeach na si Vice President Sara Duterte na sagutin ang Articles of Impeachment na isinampa laban sa kanya ng House of Representatives.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan na nakasaad ito sa rules ng Senado kaugnay ng impeachment trial.
Sinabi ni Libanan batay sa naturang alituntunin dapat utusan ng Senado ang respondent na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap nito ng kopya ng reklamong impeachment.
Batay sa impeachment timeline na inilabas ni Senate President Francis Escudero, obligado si VP Duterte na sagutin ang reklamo sa Hunyo 4.
Magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 30, dalawang araw matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang pagsisimula ng ika-20 Kongreso.
Ayon kay Libanan, wala sa mga alituntunin ng Senado sa impeachment ang planong pag-obliga sa Bise Presidente na sagutin ang petisyong impeachment sa Hunyo 4.
Bukod sa pagsunod sa sarili nitong mga alituntunin sa impeachment, sinabi ni Libanan na maaaring umaksyon ang Senado sa mosyon ng prosekusyon ng Kamara dahil nagtatrabaho pa rin ang Senado kahit nasa recess ang Kongreso.
Binanggit pa ng kongresista na nilagdaan ng mga miyembro ng House prosecution team ang kanilang mosyon para sa entry of appearance at mosyon na mag-isyu ng summons kay VP Duterte noong Marso 14.
Ang tinutukoy niya ay ang imbestigasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 11.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agarang pagsisimula ng paglilitis.