Pinagbigyan ng Senado ang hiling ng Kamara na panatilihin ang Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP program sa 2025 General Appropriations Bill.
Ito ang sinabi ni Senate Committee on Finance Chairman Senadora Grace Poe matapos aprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang P6.352 trillion na 2025 national budget.
Mula sa panukalang P39 billion ay bumaba sa humigit-kumulang P26 billion ang pondo ng AKAP.
Sinabi ni Poe, ipinaliwanag daw ng kanilang counterpart sa Kamara kung bakit ito ay isang paraan na makatutulong sa taumbayan.
Tiniyak naman ng senadora na nilinaw na nila ang guidelines sa ilalim ng AKAP kung saan ang mga makatatanggap ng tulong na ito ay ang mga minimum wage earners na apektado ng mga sitwasyon tulad ng inflation.
Sa pamamagitan ng programang ito, sinabi pa ni Poe na mayroon na ring pagkakataon na makatulong ang Senado sa taumbayan.
Sinabi naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian na hindi discretion ng mga senador at kongresista ang paggamit ng AKAP.
Paliwanag ni Gatchalian, DSWDpa rin ang masusunod sa paggamit nito ngunit pinahihintulutan naman ang mga mambabatas na mag-refer ng pwedeng pagbigyan alinsunod sa guidelines ng beneficiaries.
Nakapaloob ang AKAP program sa panukalang pondo ng DSWD para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P217.3 billion.
Mahigit P100 billion ang natapyas sa pondo ng ahensya para sa 2025.
Matatandaang sa ilalim ng 2025 national expenditure program (NEP), walang alokasyong pondo para sa AKAP program ng ahensya at pagdating sa House ay pinaglaanan nila ito ng P39 billion.
Naging kontrobersyal ito dahil isiningit ng mga kongresista sa pambansang pondo ngayong taon at pinlanong gamitin sa nabigong Peoples Initiative o signature campaign para sa pagpapaamyenda sa Saligang batas.