Sisikapin umano ng Senado na maipasa ang mga amiyenda sa Human Security Act at sa Sin Tax Reform Bill bago ang sumapit ang Christmas break.
“Ang Human Security Act amendment, ‘yun ang hinahabol namin tapos ‘yung Sin Tax baka magkaroon ng amendment sa Monday, kasi talagang kailangang kailangan ni [Sen. Pia Cayetano] na tapusin ‘yun para sa iba pang mga measures next year,” wika ni Senate President Vicente Sotto III sa isang panayam.
“So ‘yun ang mga palagay ko maihahabol. Pwede namin i-third reading ang separate penitentiary para sa mga drug lord.”
Sa ilalim ng panukala, makukulong na ang mga pinaghihinalaang terorista sa non-extendable period na 14 araw kahit na walang isinampang kaso.
Naniniwala si Sotto na bunsod nito na hindi na kinakailangan pang magpatupad ng martial law dahil mas magkakaroon ng ngipin ang nasabing batas dahil sa panukala.
Kinailangan din aniyang madaliin ang ilang mga amiyenda dahil nagbigay sila ng assurance sa ilang mga ahensya.
“Lalong kailangan kaya’t hindi na ie-extend ni Pres. kasi ipinangako namin na ipapasa ang Human Security Act. May committment na ganun para matigil na [ang] pagpipintas sa martial law,”ani Sotto.
Samantala, magkakaroon naman ng excise tax na P45 sa kada pakete ng sigarilyo mula Enero 1 sa ilalim ng Sin Tax Reform Bill.
Tataas pa ito ng P50, P55, at P60 per pack hanggang sa taong 2023.
“Medyo matindi pa usapan sa rates. Wala na problema sa system, kasi yung system ni Senator Recto maganda, kaya lang sabi nga ni Senator Pia not at this point. Mahirap eh, marmaing tatamaan pa, maraming kumplikasyon,” anang senador.
“[R]ates na lang talaga debate sa Monday. Botohan na lang,” dagdag nito.