Tututukan ng Senado ang pagbalangkas ng mga batas na magpapagaan ng araw-araw na mga pasanin ng mga Pilipino.
Ito ang inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na aniya ay isasagawa sa patnubay ng kaniyang bisyon na “Hayahay ang Buhay, Bayang Matiwasay.”
Bagamat ipagpapatuloy pa rin aniya ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pagpasa ng mga panukalang batas na business-friendly tulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) at pagtapyas ng mga buwis para sa stock market, sisiguraduhin din nito na maipasa ang mga panukalang batas na magbebenispisyo sa mahihirap.
Ginawa ng liderato ng Senado ang pahayag kasunod ng kaniyang kauna-unahang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting bilang Senate President noong Martes kung saan nakapulong niya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Speaker Martin Romualdez, Cabinet officials, at iba pang mga lider mula sa Senado at Kamara de Representantes.
Ipinunto pa ni Sen. Escudero ang pangangailangan para sa batas na tutugon sa mahahalagang aspeto ng pang-araw-araw na buhay at sisiguro na lahat ng mga Pilipino ay may access sa edukasyon, trabaho at healthcare.
Ang mga bagong legislative priorities na ito aniya ang siyang pagtutuunan ng pansin ng Senado sa paglikha ng konkretong benepisyo para sa mamamayang Pilipino.