Kinumpirma ng Senate Director of Protocol Services na wala silang inilabas na travel authority (TA) kay Senator Robin Padilla na nasa The Netherlands.
Kabilang kasi ang senador na kasama ni Vice President Sara Duterte at dating presidential spokesperson Harry Roque na bumiyahe sa The Hague, Netherlands para bisitahin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakasaad sa Senate Policy Order on Foreign Travels na na-amyendahan noong 2016 sa ilalim ni Senate President Franklin Drilon, na hindi na kailangan na kumuha ng TA kung personal ang biyahe.
Ito ay epektibo sa mga senador ganun din sa mga empleyado ng senado.
Magugunitang dinalaw ng bise presidente ang ama na nakakulong sa International Criminal Court dahil sa kasong crime against humanity bunsod ng kampanya niya sa iligal na droga.