Hiniling ni Senador Raffy Tulfo sa Maritime Industry Authority (MARINA) na simula ngayon ay huwag papayagan na maglayag ang mga bangka na walang sapat na bilang ng life vest.
Iginiit ni Tulfo na mayroong kapabayaan ang MARINA kung kaya’t dapat na irepaso ng ahensya ang polisiya bago payagang maglayag ang mga motor banca.
Binigyang-diin pa ni Tulfo, Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagtaob ng bangkang Princess Aya sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao, hindi na dapat payagan ng MARINA sa susunod ang paglalayag ng mga motorized banca hanggat hindi nakasusunod sa 1:1 na life vest.
Nabatid sa pagdinig na aabot lang sa 50 ang life vest ng bangka gayong aabot sa 70 ang sakay na pasahero subalit 38 lang dapat ang kapasidad ng motorbanca.
Inihalimbawa naman ni Senadora Grace Poe ang nangyaring insidente na paglubog ng passenger boat sa Romblon kung saan naging maagap doon ang Philippine Coast Guard (PCG) dahil lahat ng pasaherong sakay ay nailigtas at may suot na life vest maliban sa isang nasawi matapos atakihin sa puso.
Dagdag pa sa rekomendasyon ni Tulfo sa MARINA na bago payagan ang operasyon ay dapat dumaan muna sa inspeksyon para matiyak na seaworthy at tama ang katig ng bangkang pampasahero.