Nanawagan si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa mga awtoridad na mahigpit na ipatupad ang 60 kilometro kada oras (kph) na speed limit sa mga pangunahing kalsada, kasunod ng nakamamatay na aksidente sa Commonwealth Avenue, Quezon City kamakailan.
Matatandaang si Tolentino ang nagpanukala ng 60 kph speed limit noong 2011 habang siya ay chairman pa ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Mula noon, pinalawak na ito sa iba pang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ani Tolentino, tinaguriang ‘killer highway’ ang Commonwealth dahil sa dami ng aksidente at nasasawi roon. Bilang tugon, ipinataw nito ang 60 kph speed limit noong ito’y nasa MMDA.
Nitong Linggo, isang pampasaherong jeepney ang nawalan ng kontrol at bumangga sa dalawang sasakyan, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pasahero at pagkasugat ng 16 katao.
Dagdag ng senador, nananatiling mahalaga ang speed limit na ito para sa kaayusan sa trapiko at kaligtasan ng publiko.
Binigyang-diin din niya ang disiplina sa kalsada bilang pangunahing responsibilidad ng mga tsuper at motorista.
Samantala, inilunsad ni Tolentino ang isang smart traffic light signaling system sa Kalibo, Aklan — isa lamang sa mga proyekto niyang sinusuportahan sa iba’t ibang lungsod tulad ng Dumaguete, Naga, GMA (Cavite), San Pablo, Calamba, at Roxas City. (Report by Bombo JAI)