-- Advertisements --

Naniniwala si dating Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangang mabigyan ng karampatang tulong ng pamahalaan ang mga lokal na magsasaka upang matupad ang minimithi ng gobyerno na mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.

Ayon sa Senador, ito ang nakikita niyang pangmatagalang solusyon sa matagal nang problema ng Pilipinas sa mga bigas na halos di na kayang i-avail ng mga pangkaraniwang Pilipino.

Ginawa ni Zubiri ang reaksyon matapos na matanong hinggil sa pagdedeklara ng Department of Agriculture ng food security emergency sa bansa.

Ang deklarasyon ay nag-oobliga sa National Food Authority na maglabas ng kanilang buffer stock na bigas para ibenta.

Punto ni Zubiri, kailangan nang gawin ito ng gobyerno upang nakamit ng Pilipinas ang pagiging rice sufficient nito at hindi na lamang laging umaasa sa pag-aangkat ng bigas.

Ang pagdepende sa importasyon ay maaaring makaapekto sa produksyon ng bigas sa Pilipinas at hindi na magtanim ng Palay ang mga magsasaka.

Giit nito na kailangang ituring ang importasyon ng bigas bilang last option lamang at ang unang dapat tutukan ay ang suporta sa mga lokal na magsasaka.