Iginiit ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi dapat makisawsaw ang mga politiko sa programa ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP.
Bagama’t ipinaliwanag ni dela Rosa na hindi siya tutol sa pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap, iginiit ng mambabatas na ang pamamahagi ay dapat hawakan ng DSWD at hindi mga pulitiko.
Ito, bilang babala niya na ang AKAP at iba pang social assistance program ay maaaring gamitin para makuha ang boto ng mga tao, lalo na sa darating na 2025 national at local elections.
Sa gitna ng posibleng paggamit ng AKAP sa 2025 national at local elections, hinimok ni Dela Rosa ang Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang pamamahagi ng mga tulong pinansyal sa panahon ng kampanya.
Sinabi rin ng senador na wala siyang problema kung hindi bibigyan ng alokasyon ang kanyang opisina mula sa bilyun-bilyong pondo para sa AKAP sa ilalim ng 2025 national budget.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa gitna ng iniulat na ilalaan ang P5 bilyong alokasyon ng AKAP para sa pamamahagi ng mga senador para sa 2025.