Ikinalugod ni Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation Chairman Senator Ramon “Bong” Revilla Jr ang pag-iisyu ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng Executive Order (EO) na naglalayong itaas ang suweldo at benepisyo ng mga manggagawa sa pamahalaan.
Alinsunod sa EO 64, sakop ng salary adjustment ang lahat ng civilian government personnel sa Executive, Legislative, Judicial Branches, Constitutional Commission at iba pang Constitutional Offices; mga Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop sa ilalim ng RA 10149 at EO 150 s. 2021; at local government units — maging ano man ang kanilang appointment status, kahit regular, contractual or casual, appointive o elective, at kung full-time o part-time.
Bukod sa updated salary schedule ng government workforce, ay tatanggap din sila ng taunang Medical Allowance na nagkakahalaga ng hindi hihigit sa P7,000 simula sa FY 2025 bilang subsidiya para sa kanilang health maintenance organization (HMO)-type benefit.
Ang naturang Executive Order ay ipatutupad sa apat na bahagi na magsisimula sa Enero 1, 2024 para sa unang bahagi, Enero 1, 2025 para sa ikalawa, at sa ikatlong pagkakataon ay sa Enero 1, 2026, at para naman sa ikaapat ay sa Enero 1, 2027.
Ayon pa kay Revilla, nararapat lang na mabiyayaan sila ng umento sa sahod para pasalamatan at bigyan-halaga ang serbisyo at sakripisyo nila sa bayan.