-- Advertisements --

KALIBO Aklan—Napahanga si Senator Imee Marcos sa nakitang malaking pagbabago sa isla ng Boracay at maging sa bulto ng mga turista na bumibisita sa tanyag na isla.

Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo, napa-wow ang senadora sa muling pag-usbong at pagsigla ng industriya ng turismo dahil sa hindi aniya magkamayaw ang mga bakasyunista kung saan, siksikan ang mga ito sa paliparan na kahit siya umano’y kamuntikan nang hindi natuloy sa Boracay dahil sa punuan ng pasahero ang mga eroplano.

Itinuturing ng nakakatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magandang senyales ang halos punuan na mga accommodation establishments sa Boracay na muli na itong nakabawi mula nang ipinasara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 para sa rehabilitation at nasundan pa ng pandemya dala ng coronavirus 2019.

Sa kabila nito, nababahala ang senadora sa kaniyang napansin mula noong 2021 nang huli niyang pagbisita sa isla na masyadong lumapad ang baybayin at kinain na nito ng husto ang mga buhangin.

Kaugnay nito, nais niyang pag-aralan katuwang ang mga kinauukulan ang ilang mga hakbang at dapat na gawin upang hindi lubusang kainin ng dagat at mawala ang famous long white beach.

Si Senator Imee Marcos ay isa sa mga panauhing pandangal sa ginanap na Philippine Councilor’s League 1st Quarterly Legislative Educaton Program sa Boracay.