Kinwestiyon ni Senate Deputy Minority Floor Leader Risa Hontiveros ang integridad ng mga pahayag ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., matapos ianunsyo ng pangulo na mag-“disengage” sa International Criminal Court (ICC).
Ang pahayag ni Marcos ay kasunod ng pagbabasura ng ICC appeals chambers ang hiling ng Pilipinas na suspendihin ang ongoing investigation sa madugong drug war ng dating administrasyong Duterte.
Aniya, kung gagawin ni Marcos na umalis sa ICC, ipahihiya lamang nito ang Pilipinas sa international stage.
Giit pa ng Senadora, mukhang hindi interesado ang kasalukuyang administrasyon na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng drug war sa desisyong umalis sa ICC.
Hindi rin aniya na nagtangka ang administrasyon na imbestigahan ang mga pagpatay sa panahon ng war on drugs.
Kinwestiyon pa ng mambabatas na muli raw bang tatalikuran ng pangulo ang pamilya ng mga biktima gaya ng ginawa nila sa maraming victim-survivors ng martial law.
Ani Hontiveros, isang pagkakamali ang desisyong tumiwalag sa ICC.
Dagdag pa ng mambabatas, kung kailan aniya sinusubukan ng iba’t ibang bansa na bumuo ng alyansa, mas pinili ng Pilipinas na mag-solo.
Mas makabubuti pa rin aniya sa Pilipinas, lalo na sa mga Pilipino na bumalik sa rome statute.