Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Sen. Lito Lapid sa mga naiwang pamilya ng tatlong Pilipino na nasawi sa malawakang pagbaha na naganap sa Dubai, United Arab Emirates kamakailan.
Ayon sa senador, ang nangyaring kalamidad sa Dubai, UAE ay isang paalala ng patuloy na lumalaking hamon ng pagbabago ng klima sa buong daigdig.
Iginiit ng opisyal na hindi dapat ipagsawalang bahala ang panganib na maaaring maranasan ng mga Pilipino na nagsasakripisyo para matustusan ang kanilang mga pamilya.
Marapat din aniyang manatiling handa ang publiko at pamahalaan na tumugon sa mga hamon kailanman ito dumating.
Kinilala ni Lapid ang mga OFWs sa ibang bansa bilang mga bagong bayani na nagbubuwis ng buhay para sa kanilang pamilya at ekonomiya ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay nanawagan ang mambabatas sa DMW-OWWA na asikasuhin kaagad ang labi ng mga nasawing Pilipino para maibalik sa bansa.
Pinapabilis rin nito ang pagbibigay ng tulong sa mga naiwang pamilya ng mga namatay na OFWs.