Muling binuhay ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang panawagan na ipasa ang Senate Bill 147 o ang Dissolution of Marriage Act.
Binigyang-diin ng senador, na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality, na kailangan ang batas na ito ng mga kababaihang biktima at nakaligtas sa pang-aabuso sa tahanan.
Ayon sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippines Statistics Authority, isa sa apat na babaeng 15 hanggang 49 taong gulang na may asawa, ay nakaranas ng karahasan sa kanila mismong asawa, pisikal man, sekswal, o emosyonal. Iniulat din ng mga surbey na karamihan sa mga sumasang-ayon sa diborsiyo ay mga babae.
Noong 2017, nagsagawa ng survey na nagpapakita na 53% ang sumang-ayon na gawing legal ang diborsyo.
Idinagdag ni Hontiveros na kailangang bilisan ng Senado, dahil inaprubahan na ng House of Representatives, sa prinsipyo, ang mga panukalang batas na nagtatakda para sa dissolution of marriage.