Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian laban sa talamak na smuggling at iligal na kalakalan ng mga excisable na produkto, kabilang ang sigarilyo at vape.
Ayon kay Gatchalian, ang mga ganitong gawain ay nagpapababa ng kita sa buwis, nagdudulot ng mga panganib sa kalusugan, at nagdudulot ng mga problema sa kapayapaan at kaayusan.
Batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR), tuloy-tuloy ang pagbaba ng koleksyon ng excise tax, na umabot lamang sa P130.9 bilyon mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon.
Ito ay mas mababa kumpara sa P134.9 bilyon noong 2023, P160.3 bilyon noong 2022, at P176.5 bilyon noong 2021.
Dagdag ng senador, kahit bumaba ang kabuuang cigarette market mula 103.3 bilyong sticks noong 2014 patungong 55.6 bilyong sticks noong 2023, tumaas naman ang market share ng iligal na kalakalan mula 12.2% noong 2014 patungong 19.8% noong 2023.
Sa pananaw ni Gatchalian, hindi sapat ang enforcement lamang. Kailangan aniyang suriin ang iba pang ugat ng iligal na kalakalan sa Pilipinas.