Nagbabala si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) ukol sa posibleng kahihinatnan sakaling mabigong ipatupad ang Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarian Law sa darating na Enero.
Binigyang-diin ng senador na dapat simulan na ng NCSC ang pamamahagi ng mga benepisyo pagsapit ng Bagong Taon. Kung hindi, maaari itong harapin ang galit ng mga lolo at lola na matagal nang naghihintay ng biyayang ito mula nang lagdaan ang batas noong Marso 2024.
Tinaguriang “Revilla Law,” ang Expanded Centenarian Law ay nagbibigay ng cash gift sa mga senior citizen na makakaabot ng edad 80, 85, 90, at 95.
Sa naturang batas mabibigyan sila ng ng tig-P10,000.
Ang mga centenarian naman o ang mga senior citizen na aabot sa edad na 100 simula sa implementasyon ng batas ay makakatanggap ng one-time cash gift na P100,000.
Ayon sa senador, halos 200,000 senior citizens ang inaasahang makikinabang sa ilalim ng batas.
Kaya panawagan ng senador sa NCSC na tuparin ang kanilang obligasyon at tiyakin na handa na maipapamahagi ang mga payout pagpasok ng Enero 2025.