Nagbigay ng babala si Senador Ramon Bong Revilla Jr. hinggil sa bentahan ng rehistradong SIM (subscriber identity module) ngayong sumapit na sa nakatakdang panahon ang SIM registration sa bansa.
Sinimulan na kasing i-deactivate ang mga hindi rehistradong mobile numbers simula kahapon Hulyo 26 ngunit bibigyan pa umano ng palugit na limang araw ang mga hindi pa rin rehistrado ngunit kapag hindi pa rin nakapagparehistro ay tuluyan nang mawawalan ng koneksiyon.
Ayon sa Department of Information and Communications and Technology (DICT) ang mga subscribers na hindi nakapagparehistro bago pa ang deadline ay mawawalan ng mobile services tulad ng calls, data at text at maibabalik lamang kung makahahabol sa limang araw na extention.
Dahil dito ay nagkumahog ang mga online scammers na binabayaran ang walang kamuwang-muwang na mga indibidwal upang ipagbili ang kanilang pagkakakilanlan para magamit sa pagpaparehistro ng SIM at ito ngayon ang bagong modus.
Sa halagang P500 ay makabibili na ng rehistradong SIM at ang mga bumibili nito ay ang mga kababayan nating hindi marunong magparehistro at ang iba ay ‘yung mga sindikato na nais na namang gamitin ang rehistradong SIM sa panloloko.
Idinagdag pa ng sensdor na maging ang nagbebenta o bumili ng rehistradong SIM ay tiyak na mahaharap sa kaso at hindi rin maikakatuwiran na bumili o nagbenta lamang at walang kinalaman sa krimen.
Nakapaloob sa batas na ang sinumang magbebenta o magsasalin ng registered SIM na hindi dumaan sa required registration ay may parusang pagkakakulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon o multang P100,000 hanggang P300,000 o parehong ipapataw.
Ayon sa Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act, kailangang lahat ng subscribers ay magparehistro ng kani-kanilang SIM dahil sa layuning matigil na ang digital fraud tulad ng messaging scams.