Nanawagan si Senador Ramon “Bong” Revilla sa gobyerno partikular sa mga kaukulang ahensya na gawing simple at madali ang proseso ng aplikasyon para sa mga nakatatandang Pilipino na tatanggap ng P10,000 cash gift.
Noong Miyerkules lamang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pamamahagi ng P10,000 sa mga lolo at lola na umabot sa 80, 85, 90, at 95 taong gulang, bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na kilalanin at suportahan ang mga nakatatanda sa bansa.
Kasabay nito, 16 na payout events ang isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bagamat ang Expanded Centenarians Act ay nilagdaan bilang batas noong Pebrero 26, 2024, ito ang kauna-unahang pagkakataon na opisyal na ipinamahagi ang cash gift sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sa ilalim ng batas, makatatanggap ng P10,000 cash gift ang bawat Pilipino na aabot sa mga nasabing edad, bukod pa sa P100,000 na ipinagkakaloob sa mga nakatatanda na umaabot sa 100 taong gulang.
Giit ng senador, dapat na gawing mabilis ang aplikasyon ng mga lolo at lola para masikguro na matatanggap agad ang kanilang mga cash gift nang walang abala.
Sinabi ng senador na maraming mga nakatatanda ang matagal na umasa at naghintay para rito kaya naman emosyonal din ang naging pagtanggap dito ng mga seniors.