Pinaalalahanan ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga kapwa nito mambabatas na maghinay-hinay sa paggamit ng kapangyarihang mag-cite in contempt sa mga pagdinig ng Senado at iginiit ang kahalagahan ng pagiging kalmado at ang pag-iwas sa paglala ng tensyon sa loob ng sesyon.
Ang pahayay ni Cayetano ay kasunod ng mainit na pagdinig kamakailan kung saan nagmosyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na patawan ng contempt si Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao dahil umano sa pagbibigay ng maling pahayag.
Ngunit sa halip na agad lagdaan ang contempt order, inatasan ni Senate President “Chiz” Escudero ang pagpapalaya kay Lacanilao at naglabas na lamang ng show cause order sa kanya.
“Hindi ibig sabihin na kapag sinabi ng committee ay dapat pipirmahan agad. May responsibility ang Senate President na suriin ito,” saad ni Cayetano.
Nilinaw ng senador na ang paglalabas ng contempt order ay isang kapangyarihang may kalakip na discretion at dapat dumaan sa due process at masusing pagsusuri.
Ayon sa senador, dapat magsanib-puwersa ang mga miyembro ng komite at liderato ng Senado upang makamit ang pagkakaisa, lalo na kapag sensitibo ang usapin na kinabibilangan ng mga opisyal ng gobyerno o resource persons.
“Let’s allow cooler heads [to prevail],” wika niya.
“Ayaw naman natin na magkaroon ng constitutional crisis dahil lang sa contempt order,” dagdag ng senador.
Giit ni Cayetano, kailangang iwasan ng Senado na magmukhang pinaiikot ng personal na galit o paghihiganti ang mga proseso nito.