Umapela si Senator JV Ejercito sa Metropolitan Manila Development Authority na buhayin ang mga emergency bays sa mga kalsada para mahintuan at masilungan ng mga mananakay ng dalawang gulong.
Ayon kay Sen. Ejercito, ito ang isa sa mga solusyon na maaaring gawin ng MMDA ngayon at ipinagbabawal na ang pagsilong ng mga motorista sa mga underpass sa buong Metro Manila.
Ayon sa Senador, nauunawaan niya ang kautusan na ito ng MMDA, dahil sa nakaka-abala at nakakapagpabagal sa daloy ng trapiko ang pagsilong ng mga riders sa mga underpass, ngunit kailangan din umanong maintindihan ng ahensiya ang kalagayan ng mga riders.
Kasunod nito, iminungkahi ng senador sa ahensiya na magsagawa ng malawakang education campaign sa lahat ng mga motorista upang matiyak na may sapat na kaalaman ang mga ito.
Umapela rin ang senador na babaan lamang ang multa laban sa mga riders.
Masyadong mataas aniya ang P1,000 na multang ipapatupad, lalo na sa mga delivery riders.
Sa halip, maaaring ibaba ito ng mula P100 hanggang P200 sa bawat paglabag.