Nanawagan na rin si Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan matapos na bigong humarap sa Senado at sa korte si Quiboloy kung saan may mga kinahaharap itong kaso.
Giit ng senadora, sa halip na magpakita sa mataas na kapulungan ang religious leader ay panay record ng audio message na tila nang-iinsulto pa sa kakayahan ng gobyerno na matunton siya.
Hamon din aniya ito sa gobyerno ang patuloy na pagtatago sa batas ng pastor kung saan nararapat lamang na gawin ang lahat ng makakaya ng pamahalaan upang malimita ang galaw ni Quiboloy.
Sa mga naunang panayam, sinabi ni DFA Spokesperson Teresita Daza na kapag nakansela ang pasaporte ito ay maituturing na “red flag” sa alinmang aplikasyon sa lahat ng DFA consular offices sa loob at sa labas ng bansa.
Nakatimbre rin aniya ang cancelled passport sa Bureau of Immigration at sa Interpol Office sa Pilipinas kung saan kanila naman na ipapaalam ito sa Interpol Headquarters upang maialerto ang kanseladong pasaporte sa mga international border control.
Kaugnay nito tiwala naman si Hontiveros na maraming mga bansa ang makikipagtulungan na papanagutin si Quiboloy sa kasalanan nito sa mga dating miyembro na inabuso partikular na ang mga babaeng biktima.
Dagdag pa ni Hontiveros na kung may puganteng Kongresista na naaresto dapat lamang na maaresto rin si Quiboloy.