Binweltahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Senadora Imee Marcos na huwag gamitin ang Senado bilang plataporma para sa kanyang political agenda.
Ang pahayag ni Escudero ay sa gitna ng ikinakasang imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations ukol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Escudero, hindi niya hahayaan na magamit ang Senado maging ang kanyang tanggapan sa petty partisan interest, sa propaganda o self-promotion lalo na ng mga kumakandidato ngayong eleksyon.
Pinabulaanan din ng pangulo ng Senado na tumanggi siyang pirmahan ang contempt order laban kay Special Envoy on Transnational Crime Amb. Markus Lacanilao.
Kahapon, pinatawan ng contempt si Lacanilao dahil sa umano’y hindi pagsasabi ng totoo sa imbestigasyon kaugnay sa pagkakaaresto kay Duterte.
Ayon kay Escudero, ang lahat ng miyembro ng Senado ay batid na sa ilalim ng rules ng Senado, ang kapangyarihan ng committee chairman na mag-utos ng pag-aresto sa sinumang resource person ay kinakailangan ng lagda ng Senate President.
Tila aniya binalewala ni Marcos ang matagal ng rules na ito kung saan hindi raw otomatiko o minesterial lamang ang pirma dahil lamang sa kanyang kagustuhan .
Kaya naman matapos ang ilang oras na hindi otorisadong pagkakakulong kay ambassador Lacanilao sa Senate detention facility, ipinag-utos ni Escudero na palayain ito bilang ito ang tama at konsiderasyon na rin para sa kanyang lolo na ililibing ngayong araw.
Maglalabas naman si Escudero ngayong araw ng show cause order upang ipaliwanag ni Ambassador Lacanilao sa loob ng 5 araw kung bakit hindi siya dapat patawan ng contempt gaya ng hiniling ni Sen. Imee.
At saka raw siya magpapasya kung ipaaaresto o hindi ang opisyal.
Una rito, napuna ni marcos ang naging sagot ni Lacanilao sa number 8 item sa dokumento tungkol sa surrender at pagtransfer kay duterte kung saan nakalagay ay “do not know” o hindi niya alam ang petsa, oras at lokasyon na iniharap sa local na korte ang dating Pangulo.
Nabusisi ng senadora ang opisyal kung may dahilan ba sapagmamadali na maaresto ang dating Pangulo gayong hindi pala ito naihaharap muna sa lokal na korte sa bansa.