-- Advertisements --

Hindi makapaniwala si Senadora Imee Marcos na nauwi sa arestuhan ang pagdating ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas mula sa Hong Kong. 

Kanina, kinumpirma ng Malacañang na si Duterte ay inaresto batay sa warrant for crimes against humanity ng International Criminal Court.

Ayon kay Marcos, nabigla at naawa raw siya sa dating pangulo dahil matanda na ito. 

Dagdag ng senadora, hindi na raw natuto ang lahat kung saan gulo lamang ang dulot nito. 

Wala rin aniyang pakinabang sa mga naghihirap sa bayan ang bangayan ng politika. 

Samantala, umaasa naman si Senadora Risa Hontiveros na magkakaroon ng isang salita ang Malakanyang at sasang-ayon sa hiling ng International Criminal Court, sa pamamagitan ng Interpol at titiyakin na gugulong ang hustisya. 

Pinanghahawakan din ni Hontiveros ang naging pahayag ni Duterte sa pagdinig ng Senado “underoath” na haharapin niya ang kaso sa International Criminal Court at bilang abogado ay susunod ito sa mga proseso. 

Ipinagdarasal na lamang ni Senador JV Ejercito ang Pilipinas matapos nag pagkakaaresto kay Duterte. 

Nalungkot din ang senador sa pagkakawatak-watak ng bawat isa kung saan aniya ay napakahirap nang umusad. 

Nanawagan naman si Senador Christopher “Bong” Go sa taumbayan na ipagdasal ang kalagayan ngayon ni  Duterte.

Hiniling ni Go sa mga Pilipino na ipagdasal ang dating pangulo na maayos ang kanyang kalagayan at kalusugan.