-- Advertisements --

Pinuna ni Senadora Imee Marcos ang patuloy na paglobo ng mga bilihin sa merkado partikular ang presyo ng baboy. 

Banat ni Marcos, hindi nagugutom ang mga Pilipino dahil walang pagkain kundi dahil aniya maraming sakim. 

Sa ngayon aniya ay pumapalo mula sa ₱375-₱426 kada kilo ang baboy ngayon sa palengke–isang bagay na sanhi ng sakit ng ulo at tiyan ng mga Pilipino. 

Kinondena ni Marcos ang pagmanipula ng ilang negosyante sa presyo dahil nabibili lamang nila ang mga baboy mula sa mga magsasaka sa farmgate price na ₱200-₱220.

Dahil dito, suportado ng senador ang plano ng Department of Agricuklture (DA) na magpataw ng Suggested Retail Price (SRP), ngunit hindi lamang sa retail prices, kundi pati na rin sa farmgate at trader prices.

Dagdag pa ni Senadora Marcos, dapat buhaying muli ng DA ang Price and Volume Watch upang regular na mamonitor ang lahat ng bahagi ng value chain ng baboy at maiwasan ang paglobo ng presyo.

Dapat din aniyang suriin ang mandato ng Food Terminal Incorporated upang matiyak ang abot-kayang presyo sa merkado at masiguro ang proteksyon ng mga mamimili at maliliit na negosyante.