-- Advertisements --

VIGAN CITY – Malaki ang tiwala ng isang opposition senator na hindi dadaan sa butas ng karayom o hindi mahihirapang maipasa sa 18th Congress ang inihain muling absolute divorce bill.

Ito na ang pangalawang pagkakataong ihahain sa Kongreso ni Sen. Risa Hontiveros ang nasabing panukala matapos na bigo itong maipasa sa 17th Congress.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Hontiveros na pinanghahawakan umano nito ang sinabi nitong nakaraan ni Senate President Tito Sotto na ang divorce bill ang isa sa mga panukalang kaagad nilang tututukan at pagtutuunan ng pansin sa pagbubukas ng 18th Congress.

Aniya, kung maaaprubahan umano ito, ngayon lamang magkakaroon ang bansa ng isang mekanismo sa batas na klarong magsasabi na ang kasalan na totoo noong simula ay tapos o wakas na dahil sa iba’t ibang grounds na nakasaad sa panukala.

Dagdag nito na “humane option” umano ang diborsiyo lalo pa’t mahal at matagal ang proseso ng annulment sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, kabilang sa ground ng diborsiyo ang irreconcilable marital differences, psychological incapacity, marital rape at paghihiwalay ng mag-asawa ng hindi bababa sa limang taon.

Tiniyak din ng senadora na ang nasabing panukala ay “pro-family” at “pro-marriage” taliwas sa sinasabi ng Simbahang Katolika lalo pa’t nasasaksihan naman umano nila at ilang mga mananampalataya ang pagdurusa ng ilang mga kababaihang tinitiis na lamang ang relasyong hindi na maaayos pa.

Una nang sinabi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi pinagbubuklod ng diborsiyo ang pamilya, bagkus ay winawasak ang mag-anak at hindi rin umano totoo na walang legal remedy para sa pormal na paghihiwalay ng mag-asawa sa Pilipinas.

cAyon sa simbahan, kung mayroon umano nakikitang problema ang mga mambabatas sa annulment at legal separation, mas magandang ayusin na lamang umano ito.