Tiniyak ni Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon na ibibigay nila sa Department of Justice (DoJ) ang lahat ng nakalap nilang impormasyon at ebidensya na makakatulong para sa pagsisiyasat sa isyu ng “ninja cops,” kung saan kasama na bilang respondent si dating PNP Chief Oscar Albayalde.
Ayon kay Gordon, mula sa transcript ng hearings at mga hawak nilang papeles ay ibabahagi ito sa DoJ at maging sa Office of the Ombudsman.
Tututok din daw silang mga senador sa development ng mga kaso laban sa ninja cops dahil sa paghahangad na malinis nang tuluyan ang PNP.
Para naman kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) partylist Rep. Jericho Nograles, ito ang angkop na pagkakataon para sa paglikha ng independent Internal Affairs Service ng Philippine National Police, para sa ganap na pagsasa-ayon ng pambansang pulisya.