CAGAYAN DE ORO CITY – Pananagutan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging resulta ng muli nitong pagkanlong sa kanyang sinibak sa tungkulin na si dating Director General Nicanor Faeldon ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ang reaksyon ni Senate blue ribbon committee chairman at Senator Richard Gordon kaugnay sa sinabi ni Duterte na mayroon pa rin siyang tiwala sa pagkatao ni Faeldon kahit nahaharap sa malaking iskandalo ang pagpapatakbo sa Bureau of Corrections.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Gordon na karapatan ni Duterte ang pagpapanatili ng tiwala o hindi kay Faeldon subalit maaring makabawas ito sa tiwala ng taongbayan sa kanyang administrasyon.
Inihayag ng senador na ang mas mahalaga umano ay naipaabot ng Senado ang malinaw na mensahe kung gaano kalala ang nangyaring korapsyon sa loob ng BuCor gamit ang naaabuso na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Si Faeldon ay sentro sa kontrobersya na tuluyang inalis ng Pangulo dahil sa hindi umano pagsunod sa kanya.
Kabilang na rin ang pagpapalaya sa ilang convicted criminals sa New Bilibid Prison na kinabilangan ng apat na Chinese drug lords, suspeks sa Chiong sisters rape-slay case at muntik na pagpapalaya kay dating Mayor Antonio Sanchez.