-- Advertisements --

Dumistansya muna si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa inihaing quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na hinihiling na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Sotto, hindi siya maaring makapagbigay ng komento sa isyu dahil dadaan sa Senado ang naturang usapin kung saan sila rin ang magdedesisyon kung ikakansela ang prangkisa o hindi.

Iginiit ng opisyal na kanya na lamang irereserba ang kanyang opinyon at komento ukol sa isyu ng prangkisa sakaling umakyat na ito sa Senado.

Magugunita na naghain nitong araw ng petition for quo warranto laban sa TV network si SolGen Jose Calida kung saan hinihiling niya sa korte na ipawalang bisa ang prangkisa nito.

Nais ni Calida na ma-forfeit ng Korte Supreme ang legislative franchises ng ABS-CBN Corporation at subsidiary nito na ABS-CBN Convergence, Inc. dahil sa pang-aabuso umano ng naturang kompaniya.