Hindi pa rin maituturing na saradong isyu ang posibilidad na pagpapalit ng liderato sa Senado matapos hindi agad pumayag ang ilang grupo ng senador na sumuporta para kay Senate President Vicente Sotto III.
Ang hanay kasi ng oposisyon ay hindi pumirma sa manifest of support na pinaiikot nina Sen. Manny Pacquiao at Sen, Panfilo Lacson.
Nitong hapon, hindi naitago ni Sen. Cynthia Villar ang saloobin makaraang mapagsabihan nito ang kapwa senador na utak ng manifesto.
Giit ni Villar kay Pacquiao, baka mapahamak siya kung basta ito pipirma sa dokumento dahil may pending issues pa raw kina senator-elect Imee Marcos at Pia Cayetano na kapwa kanyang kapartido sa NP..
Gayunman, tiwala si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na mananatili si Sotto sa posisyon, lalo’t ngayon pa lang ay may 13 nang naghayag ng suporta para sa liderato nito.
Payo naman daw ni Villar, na topnotcher sa senatorial race, resolbahin na lang nila at grupo ni Sotto ang problema at ‘wag ng mandamay.
Sinasabing ang punto naman daw ni Pacquiao ay maayos na ang paghati-hati sa committee chairmanships sa papasok na mga bagong senador at mapreserba ang “smooth transition.”
Nilinaw naman ni Villar na hindi naman siya galit kay Pacquiao o sa kontrobersiyal na resolusyon.
“No, they are asking me to sign, I told them na ikaw, Manny, ikaw ang nagpapa-sign ayusin mo muna ang partido mo bago ka pumirma diyan. Baka pirma ka nang pirma diyan, iyong mga kapartido mo may complaint. In my behalf naman, I cannot sign because we have two newcomers from NP. I want them to talk to them about the issues bago ako pumirma,” paglilinaw pa ni Sen. Villar. “Hindi kasi maganda na pipirma ako tapos maiiwan iyong dalawa na bagong papasok sa Senado na NP. Iyon lang naman. That’s part of being a member of the party. You don’t just take care of yourself. You make sure na ang kapartido mo maayos din. Unfair naman na kayo lang ang maayos, sila hindi sila maayos.”