Hindi sang-ayon si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa hakbang ng municipal government ng Kalayaan na ideklarang “persona non grata” si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senator Pimentel na dapat iwasan hangga’t maaari ang mga ganitong aksyon ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan sa lalawigan ng Palawan sa Kanlurang bahagi ng bansa.
Saad pa ng Senador na ang ambassador ng ibang bansa na nakatalaga dito sa Pilipinas ay ang kinatawan ng ibang bansa dito sa ating bansa.
Kayat dapat na maghinay-hinay aniya sa pagdedeklara sa foreign ambassadors bilang personas non grata.
Dagdag pa ng Senador na lahat ng mga hinaing na may kinalaman sa mga ambassador at foreign relations ay dapat idaan sa Department of Foreign Affairs (DFA) para propesyonal na mapangasiwaan ang mga hinaing na ito.
Ang isang persona non grata kasi sa kontekstong ito ay karaniwang nangangahulugang isang hindi kanais-nais na tao.
Kung matatandaan, nagbunsod ang pagdedeklara kay Huang bilang persona non grata sa kalayaan kasunod ng insidente noong Agosto 5, kung saan dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang binombahan ng tubig o water cannon ng China Coast Guard.