Inutusan ng Korte Suprema ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros na magkomento sa petisyon ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na humihiling na harangin ang kanyang subpoena para dumalo sa imbestigasyon nito.
Ang komite nga ni Sen. Risa ang nag-iimbestiga sa kwestyonableng pagkakakilanlan ni Guo at ang pagkakasangkot nito sa mga iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon kay SC spokesperson Camile Ting na binigyan ng 10 araw ang Senate panel para tumugon sa petisyon ni Guo para sa certiorari at temporary restraining order na inihain ng kanyang mga abogado noong nakaraang linggo.
Ang isang petition for certiorari ay umaapela ng pagsusuri ng isang mas mataas na hukuman sa naging desisyon ng isang mababang hukuman.
Kasama rin sa petition for certiorari ang kahilingan para sa pagpapalabas ng temporary restraining order mula sa pag-implementa ng subpoena at mula sa pag-tap kay Guo bilang resource person sa mga pagdinig ng Senate panel ni Sen. Hontiveros may kaugnayan sa ni-raid na POGO hub na sangkot sa mga ilegal na operasyon sa bayan ng Bamban.