-- Advertisements --
image 36

Sinimulan na ng Senate public services committee ang pagtalakay nito sa napipintong pag-phaseout ng mga tradisyunal na jeepney sa layuning maiwasan ang nagbabadyang isang linggong transport strike.

Ito ay udyok ng Senate Resolution No. 44, na inakda ni panel chairperson Sen. Grace Poe at nagkakaisang pinagtibay ng mataas na kamara, na humihimok sa Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang planong phaseout bilang bahagi ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

Inanunsyo na ng LTFRB ang panibagong pagpapalawig sa bisa ng mga pansamantalang awtoridad o prangkisa ng mga tradisyunal na jeepney mula Hunyo 30 hanggang Disyembre 31.

Ngunit sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na hindi ito dala ng pressure mula sa welga dahil nangatuwiran siya na hindi bababa sa 90 porsiyento ng transport groups ang nagpahiwatig ng suporta para sa modernization plan.

Binanggit niya na ang hakbang ay hango sa payo ni Transportation Secretary Jaime Bautista at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na umapela sa transport groups na muling isaalang-alang at kanselahin ang kanilang pinaplanong welga.

Bagama’t sinabi ni Marcos na kailangan ang modernization program, inamin niyang hindi maganda ang implementasyon ng gobyerno at maaari pa itong pagbutihin.

Gayunpaman, binigyang diin ng transport group na Manibela, na ang welga ay magpapatuloy mula Marso 6 hanggang Marso 12.