Mariing kinondena ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang muling paggamit ng water cannon ng barko ng China laban sa resupply boat ng Pilipinas habang nasa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa outpost sa Ayungin shoal.
Sa inilabas na statement ng Senate Pres., sinabi nito na sa panibagong insidente, nakikita aniya bilang bully ang China na gumagamit ng malupit na puwersa para iligal na manghimasok sa loob ng ating exclusive economic zone at magpatupad ng walang basehang karapatan para maitaboy ang ating mga itinuturing na protector sa ating teritoryo.
Sa kabila nito, hindi matitinag ang PH navy at Coast Guard sa pagprotekta sa ating EEZ sa West PH Sea.
Pinaalalahanan din ni Sen. Zubiri ang Chinese Coast Guard na walang anumang agresibong aksiyon nito ang makakapagpabago sa katotohanan na pinawalang bisa ng Permanent Court of Arbitration ang claim ng gobyerno ng China sa WPS.
Hindi din aniya maika katwiran ng China ang agresibong aksyon nito bilang depensa gayong malinaw na mas malaki at advance ang kanilang mga barko kumpara sa ating bansa.
Samantala, pinuri naman ni Senate Pres. Zubiri ang PH Navy at PCG sa patuloy na paninindigan at paggiit ng karapatan ng bansa sa sarili nating EEZ at tiniyak ang 100% suporta ng Senado.